SHARING IS CARING

“Life is simple. Make it simple. Be happy everyday.” 

Mr. Wilson Oracion

Manila City – Para kay Mr. Wilson Oracion, ang karunungan ng tao ay isa sa pinaka importante na dapat hawakan. Hindi naging hadlang ang kanyang kahirapan at edad upang matutunan ang mga nais niyang alamin.

Si Mr. Wilson Oracion ay nakilala namin sa naganap na ‘Filipino Elderly Day’ sa SM Manila. Habang nagsasayawan ang mga senior citizen, ‘di namin maiwasan na mapansin ang kaniyang kakahayan at husay sa pagtugtog. Dahil dito’y inanyayahan namin siya sa isang interview para lubos pa namin siyang makilala.

Si Mr. Wilson Oracion, tumugtog sa “Elderly Filipino Day” na naganap sa SM Manila

Nang itanong namin ang kwento ng buhay ni Mr. Wilson Oracion simula nung pagkabata, ‘di niya maiwasan maiyak dahil sa kaniyang mga karanasan. Si Mr. Wilson ay lumaki sa Cebu at nahiwalay sa kaniyang magulang sa edad na anim na taon.

“Siguro marunong ang Diyos, dinala ako sa Maynila. Diyan ako lumaki. Eh siyempre ‘di mo mafeel ang pagmamahal. Ang tao pala kailangan ng pagmamahal either sa tatay or sa nanay.”

Dahil hindi niya na maramdaman ang pagmamahal ng kaniyang magulang ay lumayo siya ng landas. Hindi siya nakapagtapos ng highschool. Ilang beses siya bumagsak sa Science at Math noong siya ay nasa ikatlong taon.

Sa kaniyang paglaki, ang kaniyang nais na matuto ay lalong tumindi. Bumili siya ng laptop at nagsimula mag-aral sa internet. Pinagaralan niya ang lahat ng gusto niya matutunan mula sa Mathematika, Pisika, Pulitika at marami pang iba.

“Walang tigil ang pag-aaral kasi pag ‘di naging active ‘yang utak mo, hihina ang puso mo.”

Nagtapos din siya ng mga maikling kurso sa computer literacy at pagiging electrician. Sumubok din siya mag-aral ng kolehiyo sa Arellano University ngunit hindi natanggap dahil wala siyang diploma noong high school. Kumuha din siya ng maikling kurso sa pagtugtog ng piano at voice lessons sa Philippine Women’s University upang humusay pa sa pagtugtog.

“Ako kahit na wala akong pinag-aralan, marami na akong pinagdaanan kaso lang ang ‘di ko lang nilamanan yung bulsa ko.”

Bukod pa sa paglinang ng kaniyang karunungan, nagipon din ng karanasan si Mr. Wilson sa pamamagitan ng pagtugtog. Naging empleyado siya ng Malacanang ng mga walong taon. Nagtrabaho siya sa Secret Service bilang Presidential Security para sa pangulong Estrada at Arroyo. Nagtutugtog din siya sa banda ng Malacanang. Nagserbisyo din siya sa isang embassy kung saan nakapagtugtog siya sa Trafalgar Plaza. Miyembro din siya ng rotary club kung saan doon siya nagkaroon ng maraming kaibigan.

“Kapag ikaw ay isang musician, marami kang magiging kaibigan.”

Lahat ng kaniyang karunungan ay tinuturing niya na utang na loob sa Diyos. Ang kaniyang kaalaman sa pagtugtog ay ibinabahagi niya rin sa iba upang matuto. Noong 2004, nakapagsulat siya ng libro sa musika ngayon ay nakalagay sa National Library.

“Hindi ako nagmamarunong sa marunong. Nagmamarunong ako sa hindi marunong para matuto.”

“Aklat ng Musika sa Piano”, ang katunayan ng libro na isinulat ni Mr. Wilson noong 2004

Isang tunay na ehemplo si Mr. Wilson na ang edad at kahirapan ay hindi hadlang upang magnais at maggawa ng kagustuhan sa buhay. Ang kailangan lang natin gawin ay magkaroon ng pagnanais at pagganyak upang magkaroon ng pagbabago sa inyong buhay. Ayan ang himig ng buhay ni Mr. Wilson Oracion.

“Ang skill, inaaral iyon at it takes time bago matutunan.”

Upang malaman pa ang kaniyang buhay, panoorin ang aming panayam kay Mr. Wilson Oracion:

This interview has been modified and edited.

Alyssa Maac

Alyssa Maac

22 | Visual Designer | Philippines. Believes that the media, paired with the right formula, can bring opportunities closer for everyone.
shares